Pangarap na mansion ni Joel Cruz, ngayon ay isang katotohanan na!

Lahat tayo ay minsan nang nangarap ng mga bagay na para sa karamihan ay isang malaking pantasya lamang. Mga naglalakihang mga mansyon, mga karwahe na hinihila ng mga kabayo, mga hardin na puno ng mga makukulay na rosas at iba’t-ibang uri pa ng mga halaman. Pantasya na sa karamihan ay malayo at hindi makamit-kamit, ngunit para sa iilan na nagsusumikap at nagpupursigi para sa mga pangarap na ito ay nagiging realidad. Isa sa mga nagpursigi para sa pangarap niya ay ang tanyag na si Joel Cruz na nagpakita ng kaniyang Chateau de Milagros.

Kahit na mayaman, simple lang ang hiling ni Joel Cruz na mapasakanya sa loob ng kaniyang mansion. Ito ay ang magkaroon siya ng mansyon na mayroong swimming pool. Mula pa nang siya’y anim na taong gulang, pinangarap na ni Joel Cruz na magkaroon ng malaking mansyon na mayroong kasamang swimming pool. Sinabi niya na naging pangarap niya ito matapos makita ang magagarbong bahay sa noong Lifestyles of the Rich and the Famous.

Nakadagdag pa sa kaniyang pagmamangha ang kaniyang pagsama sa kaniyang ama na si Dionisio Cruz na dating may-ari ng isang trucking service. Sa pagsama niya sa kaniyang ama, doon niya nakikita ng personal ang ilan sa mga magagarbong bahay na pinangarap niya ring mapasakanya sapagkat sila dati ay naghahatid ng mga serbisyo tulad ng catering sa mga exclusive na subdivision, kung saan niya nakikita ang naglalakihang mga mansyon.

“Gustong-gusto ko yung lifestyle nila. Gusto ko yung buhay nila na ang lalaki ng bahay. May swimming pool, ang gaganda ng kotse, yung ganun.” ika ni Joel Cruz sa isang interview ng PEP.ph. Dagdag pa dito, naikwento niya din na minsan na niyang kinuwestiyon ang kaniyang ama kung bakit hindi katulad ng malalaki at magagarbong bahay ang sa kanila, at kung bakit wala din silang swimming pool tulad ng sa mga exclusive na subdivision.

“Sabi ng father ko, they’re professionals daw. Mga doctors, lawyers, or mga high ranking positions sa government, yung ganun” sagot naman ni Joel Cruz.

Isinaad din niya ang ilan sa mga aral na ipinamahagi ng kaniyang ama sa kaniya na kaniya namang sineryoso at palaging sinusunod. “Tapos sabi niya, mag-aral daw akong mabuti… magsipag daw ako, maging matiyaga daw ako. Magkaroon daw ako ng sarili kong negosyo, magiging successful daw ako, magkakaroon din daw ako ng ganun.” sabi ni Joel Cruz.

Totoo naman na nangyari ang mga ito, dahil sa ngayon ay 53 taong gulang na siya at mayroong three-story mansion na kaniyang pinangalanan na Chateau de Milagros.

Bukod pa dito, ang binansagang Lord of Scents ay may mga bahay din sa Baguio at Batangas, ngunit ang kaniyang palaging tinutuluyan ay ang kaniyang mansyon. Mayroong 12 na kwarto, paikot na hagdanan, elevator, palaruan, parking lot, at higit sa lahat ay swimming pool, ang kaniyang mansyon ay itinayo mula pa noong 1950, na dati ay 174 square meters lamang. “Now I really can say na I’m enjoying my home because I have my family. I have my children. That’s very, very important sa bahay na ito, yung mga anak ko.”