Anak ng isang basurero, nakapagtapos ng pag-aaral sa kolehiyo dahil sa pagsisikap ng ama

Lahat nga naman ng basura ay siguradong sa basura na ang punta. Pero para sa iba, ang basura ay pwede pang maging basura na ang punta ay sa bulsa. Kung ang iba ay tapon lang ng tapon ng kung anumang bagay na kanilang ginagamit, ang iba naman ay kani-kaniyang paraan para kumita dito. Mapa lata, plastic, bote o maging mga balat ng prutas ay nagagamit na sa ibang paraan.

Pero iba ang kwento ni Mang Cristito Quimado na 51 taong gulang. Siya ay nagtatrabaho bilang isang basurero. Sinisikap niya araw-araw na kumayod at maghalungkat ng basura upang buhayin ang pamilya. Araw-araw gumigising siya ng 4 A.M para kumita at tinitiniis na niya ito sa loob ng 20 taon.

Pero hindi lang ang pangkain ang natutugunan ni Mang Cristito, kundi maging ang edukasyon ng kaniyang mga anak. Sa kanyang kinikita na halos 50 pesos kada araw, sinisigurado ni Mang Cristito na kasama sa kanyang budget ang gastusin ng kanyang anak para sa kanilang pag-aaral.

“Mahirap talaga magkaroon ng malaking pamilya, pero nagtitiyaga ako para sa kanila. May oras na wala kaming pera pambili ng pagkain. Edukasyon lang talaga ang mabibigay ko sa aking mga anak.” sambit ni Mang Cristito. Dahil sa pagsisikap na ito, nagbunga na ang lahat at nakapagtapos na ang kaniyang anak na si Rose sa kursong Bachelor of Science in Nutrition and Food Technology.

Tinumbasan ni Rose ang pagsisikap ng ama at hinigitan pa nga. Hindi naibasura ang paghihirap ni Cristito kundi naibulsa pa nga ni Rose ang tagumpay.

“Masaya ako kasi binigay sya ng Diyos sa akin at sya ay may marangal na trabaho. Kahit na maliit lang ang sweldo nya ay di naman sya gumagawa ng illegal.” saad pa ni Rose.

Kailanman ay hindi ikinahiya ni Rose ang trabaho ng kaniyang ama. Kundi, taas noo pa nga niyang ipinagmamalaki ang sakripisyo ng kanyang ama sa kanila. “Kapag tinatanong ang anak ko kung anu ang aking trabaho, hindi sya nahihiyang sabihin na ako ay nangongolekta ng basura. ” sambit naman ng ama.

Kaya naman, ito na ang oras para kay Rose na bumawi naman sa kaniyang ama at para sa kaniyang pamilya. “Gusto ko dalhin sya sa magandang restaurants at bilhan sya ng magandang damit. Hindi na ako makapaghintay makapagtrabaho para matulungan ko rin ang mga kapatid ko makatapos ng pag-aaral. Maraming salamat po at lagi kayong anjan para sa amin. Mahal ko kayo.” pahayag ni Rose. Hindi na nga lang pera ang mahahalungkat mo sa basura kundi dito na rin pwedeng makamit ang tagumpay!