Bong Revilla Jr., Acquitted sa kasong plunder, reaksyon ng kaniyang pamilya, kita sa mga VIDEO sa social media

Noong kamakailan lamang ideklarang “acquitted” ang dating senador na si Ramon “Bong” Revilla Jr. sa kasong plunder sa ilalim ng Sandiganbayan. Ang reaksyon niya at ng kaniyang mga kamag-anak ay nakita at navideohan ng mga news team ng iba’t-ibang mga journalist na kanila namang pinost sa social media. Bukod pa sa mga journalist, ang anak ni Bong Revilla Jr. na si Jolo Revilla ay nagvideo at nagpost din sa kaniyang social media.

Ang video ni Maki Pulido, isang journalist para sa GMA-7 News, ay di umano naging viral matapos maipakita ang lahat ng emosyon ng galak at tuwa na naramdaman ng pamilya ni Bong Revilla nang malaman nila ang desisyon ng Sandiganbayan. Kahit si Bong Revilla mismo ay mangiyak-ngiyak at emosyonal sa ibinigay na hatol sa kaniya. “Of course because I know that I’m not guilty. Noon ko pa sinasabi na wala akong kasalanan,” ika ni Revilla, na nagpapasalamat din sa Diyos dahil sa hustisya, kung tawagin niya, na kaniyang natanggap.

Ang anak naman niya na si Jolo Revilla ay nagvideo at nagpost sa kaniyang social media tungkol sa ama niya at sa hatol na ibinigay sa kaniya. Nakalagay sa post niya ang mga katagang “Uuwi na kami ni Papa! Kumpleto na ulit ang pamilya namin sa aming bahay. Maraming maraming salamat sa lahat ng nagdasal para sa kanyang paglaya. The truth will always prevail. #ParaSaBayanTuloyAngLaban!”

Kinausap din ng mga journalist ang asawa ni Bong Revilla Jr. na si Lani Mercado at tinanong siya kung ano na ang kanilang balak gawin matapos ang paglaya ng kaniyang asawa. Sinabi niya, kasama si Bong Revilla, na uunahin muna nila ang kanilang pamilya sapagkat napakatagal nang panahon mula noong huling nakapiling ng dating senador ang buong Revilla clan.

Dagdag pa ni Lani Mercado na may kailangan muna silang asikasuhin sa Sandiganbayan tulad ng pag-aayos ng papeles para sa tuluyang paglaya ng dating senador. Pagkatapos nito, tinanong naman ng mga journalist kung ano ang nararamdaman nila sa hatol at ang sagot nila Lani at Bong ay sila’y nagagalak sa kadahilanang mayroon pang “natitirang hustisya” at nagpapasalamat sila sa lahat ng nagdasal at sa Diyos para sa hustisya na kaniyang natamo. Pagkatapos ng kanilang mga kailangan asikasuhin, nabanggit din ni Lani Mercado na hiling ng dating senador na bumisita sa simbahan at sa puntod ng kaniyang ama.