Hindi nakapag-aral ang tatlong anak ng isang OFW sa loob ng apat na taon dahil sa mga pabayang mag-asawa na kaniyang pinagkatiwalaan

Sa hirap ng buhay sa panahon ngayon, gagawin ng mga magulang ang lahat para lamang maitaguyod ang kanilang mga anak at pamilya. Minsan sa sobrang kahirapan ay kumakapit na din ang iba sa ating mga kababayan sa patalim. Sa kasalukuyan, ang iba pang maaaring pwedeng gawin ng mga magulang natin ay ang magtrabaho sa ibang bansa bilang Overseas Filipino Worker o OFW, sa pangarap ng magandang kapalaran at kinabukasan para sa kanilang mga anak at pamilya na naiwan sa Pinas. Ito ang hinangad ng isang ina na pumunta sa TV5 upang ireklamo ang mag-asawang pinagkatiwalaan niya sa pag-aalaga sa kaniyang tatlong anak.

Ito ang kwento ni Diana, isang OFW na nagulantang nang malaman na apat na taon na palang hindi nakapag-aaral ang kaniyang mga anak na ipinagkatiwala niya sa kakilala niyang mag-asawa. Sa loob ng apat na taon na iyon ay sinusustentuhan niya hindi lamang ang mga bata kundi pati na rin ang kuryente, tubig, at maging ang pagkain ng mag-asawa.

Tulad ng mga ina na nakita ang kanilang mga anak na napapabayaan, nakararamdam ng takot at sakit si Diana sa dinaranas ng kaniyang mga anak sa pagkukulang ng kaniyang mga katiwala.

Ang mag-asawang si Froy at Desiree ang kaniyang pinagkatiwalaan sa buhay ng kaniyang mga anak sa loob ng apat na taon, at ni isang beses ay hindi kinalimutan ni Diana na magpadala ng pera para sa kaniyang mga anak pati na din sa mag-asawa. Kwento pa ni Diana na pag-uwi niya sa Pinas noong isang taon, nakikita naman niya na hinahatid ni Desiree ang mga bata na nakauniporme sa eskuwelahan. Di umano’y dalawang linggo niya ito nakikita, araw-araw.

Anong takot na lamang ang naramdaman niya nang magtapat ang kaniyang mga anak na hindi talaga sila nag-aaral, bagkus ay dumidiretso lamang sila sa computer shop at magdamag na nagbababad sa video games. Sa paghingi ng tawad ni Froy ay hindi niya ito kakasuhan sapagkat sumusunod lamang daw ito kay Desiree.

Si Desiree naman ay walang takas at sinampahan na ng kasong Child Abuse dahil sa mga pagkukulang nito sa mga anak ni Diana. Pagtatrabahuhan naman nila Froy ang nawala at nasayang na pera ni Diana. Upang matutukan ang kaniyang mga anak, dinala naman ni Diana ang kaniyang mga anak kasama niya sa Singapore para alagaan at mapag-aral na. Binigyan naman niya ng Special Power of Attorney ang ama ng kaniyang mga anak upang asikasuhin ang kaso laban kay Desiree.