Mga Paraan upang Maayos ang Inyong Mga Cellphones kahit ito ay Nabasa o Nalubog sa Tubig

Sa modernong teknolohiya ngayon, bata man o matanda, propesyonal, negosyante, o estudyante, paniguradong gumagamit yan ng cellphone. Paggising pa lamang sa umaga, cellphone lagi ang unang hanap kahit nakapikit pa ang mga mata. Hanggang sa hapag kainan, maging sa pagpunta sa banyo ay siguradong hawak-hawak nila ang kanilang mga cellphone. Tila isang tanikala na di makawala ang bawat isa sa ating mga mobile phones. Hindi nga yata talaga mabubuo ang ating mga araw kung hindi ka makakagamit ng iyong cellphone.

Lalo na ngayon na hindi nalang pang tawag o pang text ang cellphone, kundi libangan na rin dahil sa mga social networking sites na pwede na ring buksan dito.

Paano kaya ang araw mo kung nalunod sa tubig ang cellphone mo? Siguradong problema yan pero hindi pa huli ang lahat dahil pwede nating agapan ito sa mga simpleng paraan para di na lumala pa:

1) Kunin agad ito sa tubig at patayin muna ang mobile phone. Kailangang iturn-off ito agad para maiwasan ang ‘short circuiting’ upang maiwasan na mas lumala ang problema ng phone.

2) Alisin din ang lahat ng dapat alisin na parte ng phone maging mga external devices. Kabilang na dito ang sim card, earphones, phone cases, power banks at thumb drives.

3) Gumamit ng ‘mini vacuum’ upang patuyuin ang cellphone. Huwag masyadong pakalapit ang ‘mini vacuum’ upang maiwasan ang static. Huwag ding gagamit ng hari dryer dahil mas sisipsipin lang ng device ang tubig nito.

4) Ibaon ang cellphone sa bigas upang matuyo ito. Patuyuin ito sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw. Huwag itong madaliin dahil hindi ito makakatulong sa pagpapatuyo nito.

5) Matapos ang tatlong araw, ibalot ito sa paper towel at ibilad sa araw para matanggal ang natitirang ‘moisture’.

6) Pagkatapos nito, ay maaari nang ibalik ang mga baterya at sim card sa phone. Maaari na itong i turn-on at tignan kung gumagana pa ito. Pakinggan din kung mayroong hindi pamilyar na ingay na naririnig dahil maaari itong senyales ng ‘malfunction’.

7) Kung di naman gumagana, subukan itong i-charge at tignan kung gagana. Kung hindi pa rin ito gumagana, mas maigi kung dalhin na ang phone sa warrant service department upang makita kung nagkaroon ba ng ibang depekto ang phone na dapat pang ayusin.

Napakahalaga na nga talaga ng cellphone sa modernong panahon na ito. Mahirap mamuhay kung wala kang ginagamit na cellphone para sa komunikasyon. Kaya dapat lang na malaman natin ang mga simpleng paraan na pwedeng gawin kung sakaling mangyari ang mga di inaasahang pangyayari sa ating mga gadgets.