Lalaki di umano’y naputukan ng ugat sa mata dahil sa sobrang paglalaro ng Mobile Games

Di umano, naputukan ng ugat sa mata ang isang lalaki sanhi ng labis na paglalaro ng mobile games. Dahil sa walang tigil na pagtutok sa kaniyang cellphone, nagkaroon ito ng pinaniniwalaang kondisyon na subconjunctival hemorrhage. Magsisilbing babala ang pangyayaring ito sa mga kabataang walang humpay sa paggamit ng gadgets.


May kasabihang, “lahat ng sobra ay masama.” Tulad na lamang ng lalaking ibinahagi sa facebook page ng Medical Zone.

Makikitang mapula ang dapat puting bahagi ng kaniyang mata. Ayon sa naturang post, labis na paglalaro ng ‘Mobile Legends’ ang sanhi kung bakit naputukan ng ugat sa mata ang lalaki. Labis ang oras na ginugol ng gamer sa paglalaro, tutok na tutok at walang pahinga ang kaniyang mga mata sa harap ng cellphone.


Ibinahagi rin ng isang netizen sa comment section na maaaring ang sinapit ng lalaki ay isang kondisyon na subconjunctival hemorrhage o bahagyang pagkasira ng maninipis na blood vessels sa mata. Maaari itong mangyari kahit sa simpleng pagsinga o pagbahing ng malakas, pati na rin ng pwersadong pag-ubo.

Maliban pa sa labis na pagkastress ng mga mata dulot ng pagbababad sa gadgets, maaari ring magkaroon ng subconjunctival hemorrhage sa labis na pagbubuhat, pwersadong pagsusuka, o kung mataas ang iyong presyon. Maaari man itong mawala mula isa o dalawang linggo kasabay ng pagpapahinga, mabisa pa ring ipatingin ito sa espesyalista upang maagapan.

Ang pangyayaring ito ay magsisilbing aral para sa mga gumagamit ng iba’t ibang gadgets, bata man o matanda. Ito ay babala para maiwasan ang mas malalang kondisyon dahil sa pag-abuso sa ating mga mata gaya ng pagkabulag.

Source: KAMI