Mga Seryoso at Masamang Epekto ng Sigawan at Awayan sa Buntis at sa Batang kanyang Dinadala

Ang pagbubuntis ang isa sa mga pinakamaselang bahagi ng buhay ng isang babae. Maraming mga pagbabago, pisikal man o emosyonal na kanilang kakaharapin kasama ang kanilang mga katuwang sa buhay.

Hindi lamang ang babae kundi maging mga asawang lalaki ang kakaharap din sa mga pagbabagong ito. Kaya naman, mas doble ingat at pag-aalaga ang dapat ibigay kay misis kapag nagbubuntis para naman maging malusog at masaya si baby.

Pero, paano kaya magiging masaya si baby kung puro away, at sigawan ang maririnig niya habang nasa sinapupunan pa ni mommy? Meron nga ba talagang masamang epekto sa bata kung puno ng awayan, at sigawan ang mag-asawa.

Dalawang bagay lang iyan. Good news na wala pa namang pag-aaral ang nagsasabing nakaka apekto sa pag-iisip at kalusugan ng sanggol ang lubos na awayan at sigawan.

Yun nga lang, nakalulungkot lang ito para kay mommy. Ang mga ganitong klase ng awayan at sigawan ay nakakasama para sa kanyang kalusugan. Marami sa mga kababaihan ay nakakaranas ng pagsakit ng ulo, pagsusuka, pamamanhid ng katawan at maging kakulangan sa pagtulog.

Kung nakararanas man ng ganito ang isang buntis, nakaaapekto pa rin ang mga nararamdaman niyang ito sa heart rate ni baby. Ang masaklap ay kung mas lumala ang mga ito ay mas mapapa-aga ang panganganak o premature labor.

Kaya naman, kung nakararanas ka man ng away sa iyong asawa habang nagbubuntis, mas maigi kung ikonsulta mo ito sa iyong doktor. Maaari mong ipaliwanag ang inyong mga problema at di pagkakaintindihan upang makapagbigay din sila ng payo sa inyo. Ito ang magiging hakbang upang maintidihan kung bakit mayroong mga hindi makontrol na emosyon habang nagbubuntis.

Pwedeng-pwede rin namang makilahok sa mga women support group, maaaring mga ‘yoga groups’ para makapag relax sa mga yoga sessions. Maaari rin namang mga spiritual groups para makapagpalakasan sa pananampalataya at matuto sa karanasan ng iba.

Samantala, kung nagkakaroon na ng pisikal na pananakit sa mga awayan ay ibang usapan na ito. Lubos na mapanganib sa buhay ng isang sanggol kung sinasaktan ang isang buntis. Kung umabot man sa ganitong sitwasyon, mas maigi kung ipagbigay alam na ito sa awtoridad bago pa mahuli ang lahat.

Pero sa susunod na magkaroon ka man ng argumento kay mister, mas mahalaga na kontrolin muna ang bawat emosyon at ang bawat salitang lalabas sa iyong bibig. Kumalma muna at lumayo muna sa ‘war’ zone. Magpalamig muna ng ulo at bumalik kapag kalmado na at idaan na lang sa mabuting usapan.

Panigurado, paglabas ni baby ay malusog siya, at masayang-masaya kasama ang pamilya.