Mga Masamang dulot ng Pagsa-shopping tuwing Heart-Broken at May problema sa Relasyon

Magpapasko na naman. Paniguradong punong-puno na naman ang mga malls. Di magkamayaw ang mga namimili ng kanilang mga pamasko, pang regalo at pang Noche Buena.

Paano kaya kung mag shoshoping ka hindi para sa Pasko kundi dahil tambak ka ng problema?

Maaaring di mo na-meet ang deadline sa trabaho, may alitan sa iyong partner, o sadyang stress na stress ka na lang talaga. Wala kang mapuntahan na kahit sino at hindi alam kung saan ka tutungo. Tila ang tanging nakikita mo lang na takbuhan ay ang lugar na napakalamig at punong puno ng mga produktong sadyang kaakit-akit. Isa na lang ang naging takbuhan mo at iyan ang mga shoping mall.

Randam mo man ang kalungkutan at ang problema, hindi mo naman randam ang sakit ng bulsa sa mga pinamimili mo. Naging lugar na nga ng pagtakas sa mga problema ang mga malls. Pero, nakakatakas ka nga ba talaga sa mga problema mo dito?

Ayon sa isang pag-aaral, 46 percent sa mga Briton ang nagsabing mas hindi nila nakokontrol ang kanilang mga sarili sa pamimili kapag nasa gitna sila ng problema sa buhay.  Kapag randam nila ang kalungkutan, ang pagbili ng pagkain, damit at mga personal na gamit ang nagiging kaligayahan nila. Nagiging sagot na ang mga materyal na bagay sa mga problemang kinakaharap nila.

Kaya naman, isa sa bawat anim na Briton ay nakasanayan na niyang mamili matapos ang isang ‘toxic day’ sa opisina. Isa rin sa bawat labingdalawang Briton ang sinubukang kalimutan ang problema sa pag-ibig at relasyon sa paggasta sa mall. Samantalang, isa sa bawat sampung katao naman ang nagsabing sagot sa kalungkutan ang pagbili ng bagong pares ng sapatos.

Bilang resulta ng mga ganitong klase ng shopping habits, sumusobra na sa monthly budget ang kanilang ginagasta. Kung iisipin, hindi ba’t ang resulta nito ang mas nakakasakit ng ulo? Tambak ka na nga sa problema at kung sumobra ka sa monthly budget mo ay nagpasok ka na naman ng bagong problema.

Mas nakalulugmok pa nga ang mga ganitong klase ng pag-gasta. Kung titignan, walang koneksyon sa problema o kalungkutan mo ang pagbili ng kung anu-ano. Walang masama sa pagpunta sa mall para maglibang at mamili. Pero maaaring may mali, kung gagawin mong ‘source of happiness’ na nagpapasaya sa’yo pag malungkot ka ang pamimili.

Iba dapat ang libangan sa ‘source of happiness’ mo. Pansamantala lamang ang libangan pero mas pangmatagalan ang kasiyahan at kagalakan sa buhay at hindi iyon maibibigay ng mga materyal na bagay sa mundo.

Kung kaya’t kung may problema, mas maiging ayusin na lang ito at makipag-usap sa mga taong pweding makatulong sa iyo. Sa panahon ng kalungkutan, hindi ang mall ang takbuhan mo, huwag kang titingin sa baba at dudukot sa iyong pitaka para gumasta at mamili.

Kundi, sa panahon ng kalungkutan at problema, tumingala ka na lamang sa taas at maaari kang humingi ng tulong sa Kanya na rason kung bakit tayo nagdiriwang ng Pasko.