Japanese Couple na Nagsasama ng 37-taon, Araw-araw Nagsusuot ng Magkaparehong Damit. At ang Resulta nito ay Talagang Nakakalambot ng Puso.

Maaaring nakapamasyal na kayo sa iba’t-ibang lugar, nakapagpatapos na ng inyong mga anak, at mayroon ng magandang buhay kasama ang pamilya. Tila, pahinga na nga lang talaga at naabot na ang inyong relationship goals, ika nga nila.

Pero iba ang relationship goals ng mag-asawang ito. Sa loob ng kanilang halos 37 years na pagsasama, sumabay na rin sa modernong panahon ng social media ang kanilang mga goals sa buhay.

Sa kanilang 785,000 followers sa instagram, di mo aakalaing hindi isang millenial o celebrity ang may-ari nito kundi Japanese couple na nasa halos 60 years old na.

Iyan ang ‘Bonpon511’ sa Instagram. Nakuha ang kanilang IG username sa pinaghalong Christian names ng dalawa at ang kanilang wedding date.

Mula 2016, naging bahagi na nga ng love story nila ang pagsusuot ng ternong damit araw-araw. Humakot ng iba’t-ibang reaksyon mula sa mga netizens ang kanilang mga IG posts na talagang naging patok lalo na sa mga Millenials.

Sa kanilang IG feed, tatambad ang iba’t ibang klase ng kanilang mga ‘terno’ outfits. Mula sa shirt, skirts, jumper maging sa sapatos ay terno ang dalawa. Kapansin-pansin din ang kanilang pagkakahilig sa mga kulay na red, blue, grey at black.

Hindi rin naman nila ikinakaila na halos ng kanilang mga outfits ay UNIQLO at Comme Des Garcons. Pero di lahat ay nakakabutas ng bulsa. Mahilig din sila sa mga ‘thrift store shopping’ o maaaring ukay-ukay o tiangge sa ating mga Pinoy.

Sa katunayan, isa sa mga palda na isinuot ay nabili sa ‘thrift store’ dalawampung taon na ang nakalilipas.

Kaya’t di na nakapagtataka kung bakit sa loob lamang ng dalawang araw ay lumobo sa 120,000 ang kanilang mga followers matapos ilabas ng dalawang U.K. news website ang kanilang nakakakilig na kwento.

Ngunit, hindi lamang ang pagsusuot ng parehong damit ang nakapukaw sa atensyon ng mga netizens. Maaaring mas umantig ang kwento ng Japanese couple na ito sa tibay ng kanilang pagsasama.  Sa loob ng halos 37 years ng kanilang pagsasama, hindi lamang damit ang terno sa kanila. Mas nagkaroon ng iisang puso at hangarin ang Bonpon511 na mas nagpalalim sa kanilang kwento ng pagmamahalan. Iyan ang tunay na relationship goals. Hindi lamang sumasabay sa agos ng pagmamahalan kundi sumasabay din sa agos ng panahon kasama ang isa’t isa na may iisang puso, with matching ‘terno’ outfits pa.

Source: DailyMail