Isang Negosyante ang Muntikan ng Mabiktima ng Scammer na Ginamit pa ang Pangalan ni Angel Locsin

Kung dati ay mga ordinaryong tao lamang ang binibiktima nito, maging mga businessman ay nadadale na ng mga ganitong scam. Hindi lang iyan, maging mga celebrity ay nadadamay dahil ginagamit ang kanilang personalidad upang makapangbiktima.

Tila isang malaking tulong na ngayon sa mga scammer ang kapangyarihan ng teknolohiya. Sa makabagong panahong ito, ang social media na ang nagiging numero unang pinupugaran ng mga scammer upang makapamingwit ng biktima.

Isa na sa mga muntikang maging biktima ang Tea Boulevard na nasa loob ng World Citi College. Kamakailan lang isang babaeng nagngangalang Elizabeth Perez, na nagpakilala bilang ‘staff’ ni Ms. Angel Locsin ang tumawag kay Jam Tupaz, owner ng Tea Boulevard.


Dito ay nagtanong si Elizabeth kung magkano ang Chocolate Dream Cake dahil plano raw bumili ni Ms. Angel para maipamigay bilang give away. Dahil dito, nag request pa siya na magpa deliver muna sa ABS CBN ng naturang cake upang matikman muna ni Ms. Angel. Bilang kapalit, ay ipopromote raw ito ni Ms. Angel sa kanyang instagram feed. Maging ang staff ni Ms. Cristine Reyes ay idinamay pa matapos sabihing sila ang nag refer sa kanila.


Ipinapa-deliver ni Elizabeth ang cake sa ABS-CBN ng alas tres ng hapon. Pero tila aburido na, at tumawag ng ala-una ng hapon upang ipadala na agad dahil paalis na daw si Ms. Angel. Humirit pa ang staff at magdagdag pa daw ng isa pa para sa request ng isang direktor.

Makalipas ang ilang araw, tila nag iba na ang modus nila. Tumawag ulit sila para sabihing oorder na sila ng 100 pcs at nais makipag kita ni Ms. Angel sa Shangrila The Fort Hotel dahil may event siya doon.

Ngunit, kailangan muna daw niyang magbayad ng 1,500 pesos para sa reservation fee dahil hindi na raw niya ito maasikaso pero babayaran nalang daw niya pag nagkita sila. Nagbigay pa si Perez ng account number at account name at ipinapadala ito sa Smart Padala. Ngunit, dito na nagsimula ang pagdududa ni Jam, ang may-ari ng Tea Boulevard.

Kaya naman, agad na siyang nagtanong sa naturang hotel at nakumpirmang walang event doon si Ms. Angel. Maging ang mga staff ni Ms. Cristine Reyes ay tinanong din at sinabing hindi naman nila ipinamigay ang number ni Jam. Panghuli, napag alaman din nila sa mga ‘tunay’ na staff ni Ms. Angel na wala namang nakarating at natikman na cake sa kanila.

Kumpirmado. Isa itong SCAM.

Kapansin-pansin ang mga kaduda-dudang aksyon ng scammer na maaari nating malaman upang makaiwas dito.

Una ay ang sobrang pagmamadali. Isa ito sa mga senyales na maaaaring scam kung paiba-iba na ang oras at lugar na sinasabi sa iyo upang maibigay lamang agad ang kanilang hinihingi.

Maging ang pag rerequest na abonohan muna ang kahit anumang gastos na di mo na dapat bayaran pa. Malaking porsyento na nais lang nilang makakuha ng pera sa ganyang paraan.

Kung kaya’t napakahalaga na magkaroon din ng background check sa mga ganitong klase ng customer. Huwag hayaan na tayo ay mabiktima kundi patuloy lang na maging mapagmatiyag, at manatiling gising upang di mabingwit sa kanilang mga mapanlinlang na gawain.

Source: Jam Tupaz