Mas Masarap nga ba ang Pagkain kapag Niluto gamit ang Kahoy?

Ang apoy ay ang bagay na nagbigay buhay para sa ating mga ninuno. Apoy para sa ilaw na taglay nito, sa init na pinapadama nito sa atin, at maaari ang pinakaimportanteng gamit nito, ay para sa ating pagluluto. Kahit anong lutuin pa man, mapatinapay, bigas, mga sari-saring ulam ni lola na ating binabalik-balikan, ang apoy ay kailangan upang makapagluto at makakain sa araw-araw. Para makagawa ng apoy, ang ating mga ninuno ay kumukuha ng mga kahoy na panggatong, na hanggang ngayon ay ginagawa pa din ng ating mga kababayan.

Ang gawain ng pagkuha ng panggatong ay karaniwang gawain ng mga lalaki. Ito ay pinangungunuhan ng ama at kung mayroong mga malalaki nang anak na mga lalaki ay kasama din sila sa pagbubuhat ng mabibigat na trabaho, katulad ng pagbubuhat ng madaming panggatong na gagamitin sa araw-araw.

Dalawa hanggang sa tatlong beses kada buwan nagtotroso upang iuwi sa kanilang mga bahay, patuyuin at sisibakin ang mga ito upang gamitin na panggatong sa kalan. Kailangan na ang kanilang mga kinukuhang troso ay hindi masyadong malambot ngunit hindi din naman pinakamatigas, katamtaman lamang dapat ito, pati na rin ang laki at gulang nito.

Karaniwang mayroong dalang mga gulok ang mga kalalakihan na nakuha ng mga troso mula sa mga gubat. Ang mga gulok na ito ay nakapalagay at nakabalot sa tela na nakasabit naman sa bewang ng mga lalaki na mga nakakamiso tsino na para bang nagmumukha silang mga taga Katipunan na luluwas para sa digmaan kalaban ang mga Kastila.

Ang kanilang mga troso na inuuwi ay umaabot ng sampung talampakan. Kung minsan pa ay mayroong mga kahoy na mas manipis na kanilang isasabit sa mga balikat at isasandal nila sa bakuran pagkauwi hanggang sa matuyo at pwede nang gamiting panggatong.

Ang mga kahoy na ito ay gagamitin naman na pangluto. May ibang mga ginagamit ang apoy mula sa mga sunog na panggatong upang usukan ang mga karne, parang sa paggawa ng pinausukang hamonado. Pwede din naman magluto ng mga pagkaing may mga sabaw gamit ang pagluluto sa isang paso, maaari din gamitin ang apoy na galing sa panggatong upang magluto ng kanin gamit ang tangkay ng kawayan bilang lalagyan ng bigas na tuyo. Ang isa pang gamit ng apoy galing sa panggatong na normal sa mga ninuno natin at hanggang ngayon ay ang pagluluto ng manok na ibinabaon sa lupa bago muling lutuin sa direktang init ng apoy.

May mga taong gustong gusto ang pagluluto gamit ang kahoy, dahil ang paniniwala nila ay ang usok galing dito ay isa ring pandagdag ingredient sa bawat lutuin. Meron din namang nagsasabi na mas nakakagana kumain pag ang pagkain ay niluto sa lutuan gamit ang kahoy.