Mahilig ba kayo sa kape? Ito ang ilan sa mga paalala pagdating sa pag-inom ng kape kapag gutom

Hilig ng mga Pilipino ang magkape sa umaga. Sabi nga ng isang kasabihan, “Kung matigas ang pandesal, isawsaw sa mainit na kape”, base sa natatandaan ko.

Matapang na barako, matamis-tamis na 3-in-1, o swabe na classic. Kahit ano pa man yan, di maikukubli na nakasanayan na natin magkape sa ating hapagkainan tuwing simula ng ating mga araw. Ngunit may ilan sa atin na sa kung ano mang rason, mapadelikado man sa oras o sadyang tinatamad lang kumilos para maghanda ng agahan, ay umiinom ng kape kahit na walang laman na pagkain ang sikmura. Ito ang ilan sa mga epekto ng pag-inom ng kape habang walang laman ang tiyan na maaaring makasama sa atin.


Una, dadami ang ating stomach acid na dapat ay nasa moderasyon lamang. Ang hydrochloric acid ng ating mga tiyan ay tumutulong sa pagtunaw ng ating mga kinakain sa araw-araw. Sa hindi pagkain ng regular ay sasama na ang iyong sikmura, lalo na kung dinagdagan mo pa ito ng pag-inom ng kape. Ilan sa mga maaaring kalabasan nito bukod sa pagsama ng sikmura ay mga karamdamang tulad ng heartburn, irritable bowel syndrome, at pinakamalala, stomach ulcer.

Pangalawa, bad digestion, o pangit at mahinang pagtunaw ng kinain na nagdudulot sa iyong digestive system na bumagal ang metabolismo. Habang walang laman pagkain ang iyong tiyan at sinabayan mo ito ng kape, mas mataas na lebel ng caffeine ang maaabsorb ng ating sikmura na makasisira sa natural na proseso at metabolismo ng ating mga sikmura. Ito naman ay magdudulot ng madaming mga side-effects tulad ng pagbagal ng ating pagdumi, constipation, pati narin ng pagtaba.


Ikatlo, dehydration, o kakulangan ng tubig sa ating mga katawan. Ang caffeine na matatagpuan sa kape ay isang natural na diuretic, o sa mas simpleng mga salita ay natural na pampaihi. Habang lumalagok ang isang tao ng kape na wala pang laman ang sikmura, mas dadalas din ang pag-ihi ng taong iyon. Sa kadahilanang ito, madaling madedehydrate ang tao na umiinom ng kape dahil sa mataas na lebel ng paglabas ng fluids, sa kasong ito ay ihi, mula sa kaniyang katawan.


Ikaapat, makadudulot ito ng mas mababang lebel ng serotonin, isang neurotransmitter na nagdedeklara kung ikaw ay masaya. Ito ang isang hormone na napakahalaga sa pagpapasaya ng isang tao sa araw-araw na buhay natin. Bukod pa sa kasiyahan, ito din ang nagtitiyak na ang isang tao ay kalmado sa kahit anong sitwasyon. Sa agarang pag-inom ng kape ay agaran din tayong mabubusog, na magreresulta sa hindi natin pagkain ng almusal, na magdudulot naman ng mababang lebel ng serotonin.

Ikalima at panghuli, anxiety o pagkabalisa na dulot ng mababang lebel ng serotonin. Ilan sa mga epekto ng mababang serotonin level ay ang anxiety at depression, na magdudulot ng kahirapan sa pagtuon ng iyong pansin sa mga mahahalagang bagay sa ating buhay.

Sa mga hilig ang kape, walang masama sa pag-inom nito. Sana ay magsilbi lang na paalala ang artikulong ito sa di wastong pag-inom at pag-abuso sa caffeine.