Isang trabahador ang laging napapag-initan sa trabaho ng kanyang supervisor, ngunit iba ang nakita sa kanya ng may-ari na syang nagpabago ng kanyang buhay

Sabi nga sa isang kanta, “ako ang nakikita, ako ang nasisisi, ako ang laging may kasalanan”, yan ang laging nasa isip nitong si Jomar, 24-taong gulang na tubong Bulacan. Si Jomar ay nagtatrabaho sa isang Pabrika ng tsinelas sa Valenzuela kung saan isa sya sa mga nag-ooperate na makinang panghiwa ng mga goma.

Araw-araw maagang pumapasok ng trabaho si Jomar upang marami syang matapos na tsinelas pero dahil sa may kabagalan talaga syang kumilos ay lagi syang napag-iinitan ng kanyang mga managers at supervisors. Siya kasi ay nagtamo ng bali sa buto sa kanyang kanang braso dahil sa isang aksidente sa motor.

Kahit madalas syang napagsasabihan at napapagalitan ay tuloy pa rin nyang ginagawa ng mabuti ang kanyang trabaho para matustusan ang pagpapagamot ng kanyang nanay na may sakit sa kidney. Sa murang edad pa lang nya kasi ay natuto na talaga syang magbanat ng buto upang makatulong sa kanilang pamilya. Panganay siya sa anim na magkakapatid at ang kanyang ama naman ay di na nagpakita simula nung naging seaman ito.

Lahat tuloy ng responsibilidad sa pamilya ay napunta kay Jomar. Dati pa ay gustong gusto nyang makatapos ng pag-aaral ngunit dahil na rin sa kakapusan ng pera ay napilitan itong huminto sa Grade 6. At simula noon ay nag-umpisa na syang humanap ng pagkakakitaan gaya na lamang ng paghahakot ng basura sa mga bahay-bahay, pagdeliver ng mga gasul at pati na rin pagjajanitor.

Di naging madali ang buhay nya simula pa noon. At kahit ngayong nasa ibang trabaho na sya ay nakararanas pa rin sya matinding pangmamaliit at pang-aalipusta. Dahil di sya ang paborito ng kanyang mga supervisors ay madalas syang napagtitripan ng mga ito. Binibigyan sya ng mga trabahong mabigat at hinihintay itong magkamali at saka ito pagagalitan.

Ngunit di nagpadaig si Jomar sa ganito at tuloy tuloy pa rin ang kanyang pagtatrabaho ng maayos kahit sya ay hirap na hirap na. Maraming beses na rin sumagi sa isip nya ang mag-resign nalang ngunit di nya ito magawa dahil mawawalan sya ng kita para buhayin ang kanyang ina at nakababatang kapatid.

Isang araw ay napakaraming dumating na orders sa kanilang opisina at binigyan sila ng maikling deadline para matapos ang mga ito. Sinabihan silang mag-overtime upang mapabilis ang paggawa at maideliver ng mas maaga ang mga inorder na tsinelas. Buong sipag namang sumunod si Jomar sa utos na ito. Nung gumabi na ay nagyaya mag-inuman ang kanyang mga supervisors at ilang mga kasamahan kahit oras pa ng trabaho.

Sinabihan sya na ituloy lang ang kanyang ginagawa upang makarami ito tutal ay may kabagalan syang magtrabaho. Sumapit na ang alas-dose ng madaling araw at sya pa rin ay tuloy tuloy sa pagtatrabaho. Nakita nya kasi ang tambak ng gawain at di nya ito magawang maiwan dahil masyado syang nag-aalala na di ito matatapos.

Pagkaraan ng ilang minuto ay dumating ang mag-asawang may-ari ng kumpanya upang tingnan kung gaano karami na ang kanilang natatapos. Ngunit sa gulat ng mga ito ay nakita nila na ang kanilang mga tauhan ay tulog at lango sa alak. Maraming bote ang nakatumba sa sahig at mga kalat ng kanilang kinaing pulutan.

Inikot nila ang production area at narinig na may umaandar pang isang makina. Nang puntahan nila ito ay nakita nila si Jomar na nagtatrabaho habang pawis na pawis at namumugto ang mata sa antok. Tinanong nila kung bakit nag-inuman ang mga kasamahan nya. Sinabi ni Jomar na niyaya sila ng kanilang supervisor dahil sa kaarawan daw nya ngayon.

Tinanong din sya kung bakit di sya sumama, ang sagot nya ay iniisip nya kasi ng kung titigil sila ay maapektuhan ang produksyon at baka di na nila matapos ang gawain sa itinakdang deadline.Sa pagkadismaya ng may-ari ay tinanggal nya ang mga trabahador nyang lumiban sa trabaho upang mag-inuman.

Sa sobrang pagkamangha naman ng mga may-ari kay Jomar ay kinausap nila ito at inalok ng mas mataas na posisyon sa kumpanya. Siya na ngayon ang tumatayong executive assistant ng may-ari kung saan sya na rin ang namamahala sa mga negosyo nito. Nagawa na rin nya mapa-operahan ang kanyang ina at mapag-aral lahat ng kanyang mga kapatid.

(Meron din ba kayong kwento na kapupulutan ng aral at inspirasyon? I-send nyo ito sa aming Facebook Page upang ito ay aming mai-post online.)