Isang Magaling na Runner ang natalo dahil sa kayabangan nito, pero di nya alam na ito pala ang makakapagpabago ng kanyang ugali

Sa bawat laro ay may nananalo at hindi pinapalad na manalo. Sa larangan ng sports kung saan isinakripisyo mo ang oras at pagod, makuha lamang ang pinakaasam-asam na medalya ngunit hindi naman tama ang magbaba ng moral ng ibang tao bagkus, kailangan nandun pa din ang sportsmanship sa bawat isa.

Si Ron ay isang tanyag na manlalaro ng takbuhan, hindi lamang sa kanilang lugar pati na rin sa buong rehiyon.Kilala siya sa kanyang galing sa laro dahil araw-araw siyang nag eensayo at kumakain ng tama pero ang mas tumatak talaga sa mga tao ay ang kanyang pagiging mayabang.

Minamaliit at pinagtatawanan niya ang mga mahihina at bagong manlalaro na sumasali hanggang sa ayaw na nila sumubok muli. Sa kanyang huling kompetisyon sa Europe ay natalo nya ang dating kampyon na lalo pang nagpatanyag sa kanya.Tinanong siya ng mga media kung may balak ba siyang magturo ng iba pang mga manlalaro?

Sumagot siya ng “Wala akong balak na magturo sa mga mahihinang tao dahil una sa lahat ako lang din ang nagsumikap mag-isa. Ayon kasi sa mga dating nakakakilala kay Ron, iniwan siya ng dating coach dahil sa kasamaan ng ugali nito. Isang professional player pero hindi marunong umasta bilang isang tunay na professional. Dinagdag nya pa na sasali siya at ipapanalo nya ang kompetisyon na Stride Challenger, kung saan sobrang popular dahil sa hirap ng course na halos marami ang sumusuko sa kalagitnaan.

Isang araw nakasalubong nya si Sedric na isang rookie sa parehas na sport. Kinaiinisan nya ito dahil laging kasama siya sa bawat laro ni Ron at palagi siya ang pinakahuli sa lahat. Binalaan ni Ron si Sedric na kahit anong gawin nya ay hindi nya kayang manalo at sinasayang nya lang ang oras nya dito. Nanahimik lang si Sedric at ngumiti sabay nagpaalam.

Makalipas ang ilang mga buwan at papalapit na ng papalapit ang araw ng tournament. Sa araw-araw na ensayo, sinabayan nya pa ito ng balanseng pagkain at sapat na pahinga. Alam ni Ron na kondisyon na sya at kayang ipanalo ang sinasabing kompetisyon. Sa kanyang pagpapahinga sa ensayo, nakasalubong niya ang dati niyang coach.

Kinamusta nya ang dating coach at pinagyabang niya ang mga napanalunan at nakamit na mga medalya. Sumagot ang coach na wala pa din siyang pinagbago. Mayabang, ma-pride at matigas pa rin ang ulo nito at balang araw daw ay magsisisi din siya sa mga inaasal nya.

Dumating na ang araw ng kompetition na may isang daang manlalaro ang tatakbo. Makikita ang napakamaraming manonood dahil isa itong malaking event na pinapanood hindi lang sa pilipinas pati na rin sa ibang bansa. Panatag na panatag si Ron na maipapanalo nya ito.

Nandun din ang dati nyang coach para manood pati na rin si Sedric na kasamang tatakbo. Matapos ang onting streching ay handa na silang lahat. Tumunog ang putok na ibig sabihin ay GO. Dali daling nagtakbuhan ang lahat para mauna sa harap ngunit walang hirap ito kay Ron at maya-maya pa ay nasa harap na siya habang si Sedric ay nasa pinakahulihan pa din.

Nasa kalahati na sila ng course ay biglang napaisip si Ron tungkol sa sinabi ng dati nitong coach. Binagalan nito ang takbo dahil sobrang layo na ng iba at kampante na siya na ang mananalo. Hindi nya pa rin maisip ang dahilan kung bakit sinabi ito ng coach. Hindi niya napansin na sa sobrang lalim ng iniisip nya ay unti-unting nakakahabol ang kanyang mga kalaban sa likod.

Nang tanaw na ang finish line sumigaw si Ron na “Ako pa din ang panalo coach hindi ko kelangan ng payo na binigay nyo”. Tumakbo ng napakabilis si Ron pero sa pagmamadali nya na makatapos ay hindi nya napansin ang isang bato sa kanyang daanan. Naapakan nya ang bato na naging sanhi ng kanyang pagkatalisod at  sabay tumumba. Nabalot siya ng sobrang sakit na tila ba ay napilayan siya. Lumipas ang ilang minuto at naabutan siya ng mga tao sa likod. Tinitignan at hindi man lamanag tinulungan. Sinasabi pa ng iba na “Karma na lang sayo yan”

Kinilabutan si Ron sa mga tingin ng ibang manlalaro at sa kahihiyan pa sa nangyari ay gumagapang pa ito papunta sa finish line. Sobrang nahihiya na ang mayabang at presko na si Ron habang gumagapang para lang makatapos sa takbo.

Maya-maya pa ay sumuko na siya at humiga na lang habang umiiyak nang may biglang bumuhat at umalalay sa kanya patayo. Tinanong nya kung kaya nya ba gamitin ang isang paa para maglakad habang aalalayan siya. Ang taong bumuhat pala at umalalay sa kanya ay si Sedric.

Sumagot ng pasigaw si Ron ” Hindi mo ba nakikita na sumuko na ko kanina pa? Para san pa kung hindi ko din mapapanalo ito.”

Ngumiti ulit si Sedric sabay sabi na “Tayong dalawa na lang ang natitira sa takbuhing ito. Alam ko mahina ako at himala nga na kaya ko itong tapusin pero mas kaya itong tapusin ng idolo ko.”

Kahit mabagal ay patuloy na naglakad papalapit sa Finish Line ang dalawa. Hanggang sa natapos nila ang kompetisyon. Napaiyak na lang si Ron dahil tinulungan siya ni Sedric kahit na palagi nya itong sinasabihan ng masama at minamaliit.

Tinanong niya si Sedric kung bakit nya tinulungan si Ron. Sumagot siya “Nakita ko ang career mo dati Oo marami nagsasabi na mayabang ka at nangmamaliit, pero alam ko bunga din iyon ng pagsisikap mo pati pagbibigay mo ng oras sa ensayo.

Ako nga walang coach na tumatanggap sa akin kasi mahina ang katawan ko pero ikaw kahit iniwan ka ng coach mo nagawa mo pa din manalo kahit mag isa ka lang.”  Nang narinig ito ni Ron ay naalala nya ang sinabi ng dati nyang coach at ngayon ay naintindhinan nya na.

Matapos ang Tournament ay nagretiro na si Ron hindi dahil sa nangyari sa kanya. Nag retiro siya dahil mas ilalaan nya nalang ang kanyang sarili sa pag co-coach ng mga bata lalong lalo na ang gustong gusto matuto. Tutulungan niya din ang mga bata na kahit may mahihinang pangangatawan ay gagabayan niya ito para mas maging handa sa mga mabibigat na laban.

(Meron din ba kayong kwento na kapupulutan ng aral at inspirasyon? I-send nyo ito sa aming Facebook Page upang ito ay aming mai-post online.)