Dahil hindi nya makuha ang hinahangad na kaginhawahan ay iniwan ang pamilya kahit ang kapalit ay ang kanyang sariling katawan

Ang lugar ng Maynila ay makulay, matao, maingay ngunit puno ng mayamang kasaysayan. Maraming mga tao ang pumupunta rito upang makipagsapalaran sa buhay at upang makahanap ng mas magandang oportunidad di lamang para sa sarili, pati na rin para sa pamilya.

Maraming kwento ang masasaksihan mo sa lugar na ito. May kwento ng kahirapan, kwento ng kasaganahan, merong kwento ng pagkabigo at pati na rin ng tagumpay. Lahat ng ito ay sumasalamin sa mga istorya ng mga taong pumupunta rito.

Si Jennifer, 23-taong gulang ay tubong Mindoro at nagpasyang pumunta ng Maynila upang makipagsapalaran. Bukod sa pagiging mahirap ay puro sakitin pa ang tatlong kapatid nito. Ang mga magulang naman nya kasi ay walang magawa dahil magsasaka at labandera lamang ang kabuhayan ng mga ito. Sa murang edad ay nasabak na agad sa trabaho itong si Jennifer, pagtapos pa lang ng klase nila noon ay dumidiretso sya sa kaniyang auntie para kumuha ng ititindang banana cue.

Buhat nya palagi ang bilao sa kanyang ulo, lakas loob syang nagbabahay-bahay upang mag-alok ng kanyang paninda. Mapalad na sya kung makaubos ng dala nyang banana cue dahil madalas ay lagpas kalahati lang ang naiibenta nito. Isang beses pa nga ay umuwing umiiyak itong si Jennifer dahil nalaglag ang dala nyang bilao na puno ng panindang banana cue dahil sa lakas ng ulan at nadulas ito sa kalsada.

Mabuti na lamang at matiyaga itong si Jennifer at kahit anung hirap ay kinakaya nya para makatulong lamang sa kanyang mga magulang. Isang araw ay may dumating na isang tao mula sa Maynila upang magyaya ng mga gustong magtrabaho sa Maynila. Kahit marami ang mga taong nagkumpulan ay nakisiksik sya makakuha lamang ng application form.

Matapos nun ay binigyan na sya ng Address sa Maynila kung saan siya pupunta para sa ipinangakong trabaho. Di nya ipinaalam sa kanyang mga magulang ang pinaplano dahil alam niya na tututol ang mga ito. Umalis sya sa kalagitnaan ng gabi habang mahimbing silang natutulog. Naglakad sya ng ilang kilometro, makarating lamang sa sakayan ng ro-ro na bus papuntang Maynila.

Pagkarating nya mismo ng Maynila ay agad nyang hinanap ang address sa papel. Gamit ang perang inutang nya sa kanyang tiyahin ay pinagkasya nya ito sa pamasahe at pagkain. Nakarating sya sa lugar na nakasulat sa papel, pumasok sya sa loob at nagtanong sa guwardiya na nagbabantay. Sinabihan sya na pumasok sa loob upang mainterview ng may-ari.

Madilim sa loob ng lugar kung saan itinuro ng guwardiya. Meron lamang mga pulang ilaw na nagbibigay ng kaunting liwanag sa kanyang daraanan. Pagdating nya sa loob ng isang kwarto ay marami siyang nakitang mga babaeng nakaupo at mukhang naghihintay rin.

Umupo sya sa isang bakanteng upuan at nagmasid-masid. Tinanong sya ng kanyang katabi kung alam nya ang kanyang gustong pasuking trabaho. Sabi nya ay inalok sila sa Mindoro ng trabaho sa isang Restaurant upang maging waitress. Pailing-iling na nakangiti ang tugon ng kanyang katabi habang nakatingin sa kanya.

Hindi nya alam na isang Sauna Place pala ang kanyang napuntahan kung saan nag-aalok dito ng extra service o panandaliang aliw para  sa kanilang mga lalakeng customers. Naging sobra ang kaba ni Jennifer ngunit linunok na lamang nya ang kanyang takot dahil na rin sa kagustuhan nyang maiahon sa hirap ang kanyang pamilya.

Dahil sa bata pa si Jennifer at di makakailang may itsura ito ay talagang marami syang naging kliyente. Noong una ay talagang umiiyak pa sya araw-araw dahil sa pagsisisi ngunit nagawa nya itong makasanayan at tanggapin, makapagpadala lang ng pera sa probinsya.

Isang araw ay lumabas itong si Jennifer upang mamasyal sa isang mall. Nag-ikot sya sa loob upang maghanap ng mga gamit na pwede nyang maipadala sa probinsya. Ang alam kasi sa kanila ay sa isang restaurant sya sa mall nagtatrabaho. Bumili sya ng mga groceries, damit at mga laruan para sa mga nakababatang kapatid.

Bago pa man sya umuwi ay biglang bumuhos ang ulan at nasaktuhang wala syang dalang payong. May isa namang lalake na nagmagandang loob na i-share ang dalang payong sa kanya upang isabay ito papuntang sakayan ng UV express. Di nya alam na pareho pala sila ng sasakyang byahe ng lalake. Pagpasok nila sa loob ay nagpasalamat si Jennifer sa kanya. Agad namang nagpakilala ang lalake.

Ang pangalan nya ay si Joshua at kasalukuyang nagtatrabaho sa isang opisina bilang clerk. Naging mahaba ang usapan nila sa sinasakyang van dahil na rin sa trapik. Nagkapalagayan sila ng loob at nakapagpalitan ng cellphone numbers sa huli.

Madalas silang magkita dalawa hanggang sa mahulog ang loob nila sa isa’t isa. Di rin nagtagal at naging magkasitahan sina Joshua at Jennifer ngunit di pa rin alam ni Joshua ang tungkol sa totoong trabaho ni Jennifer dahil maingat nya itong tinatago dito dahil na rin sa kahihiyan at takot na baka di sya tanggapin nito.

Isang gabi matapos nilang mamasyal ay hinatid na ni Joshua sa kanyang apartment si Jennifer. Sa kasamaang palad ay nakalimutan ni Jennifer ang kanyang cellphone sa sasakyan na sya namang napansin ni Joshua. Ibabalik na nya sana ito nang biglang tumunog ito dahil sa isang message. Nang mabasa nya ang mensahe ay laking gulat nito sa mga nabasa.

Marami palang nagmemessage sa kanyang mga kliyente at inaalam ang oras kung kelan sya available. Parang gumuho ang mundo nitong si Joshua at hinarap nya si Jennifer at tinanong kung ano talaga ang trabaho nito. Umamin naman si Jennifer at sinabi nyang nagawa nya lamang ito dahil sa kahirapan at kagustuhan nyang matulungan ang pamilya.

Pinapili sya ni Joshua kung ang trabaho ba nya o ang relasyon nila ang kanyang ititigil, at nagpasya si Jennifer na iwanan ang dating buhay nito upang magsama sila ng maayos ni Joshua. Nangako naman si Joshua na mamahalin nya ito ng buong-buo at tatanggapin nya ito ng buong puso. Sa ngayon ay may tatlong anak na sila at biniyayaan ng sariling negosyo. Natulungan din nyang makatapos ng pag-aaral ang kanyang mga kapatid at nabigyan din nya ng puhunan ang kanyang mga magulang para makapagbukas ng tindahan.

(Meron din ba kayong kwento na kapupulutan ng aral at inspirasyon? I-send nyo ito sa aming Facebook Page upang ito ay aming mai-post online)