(Part 2) Isang binatang galing hirap ay nanligaw sa isang mayamang dalaga, at ang mga nakakakilig na tagpo nila sa kanilang eskwelahan

(Part 2) Sa pagpapatuloy ng istorya nila Robert at Jane…

Masaya ang naging pagsasama nila Robert at Jane sa unang mga buwan ng kanilang relasyon. Text at tawag ng walang sawa, parang akala mo ay di nauubos ang topic na pwedeng pag-usapan.

Madalas din sila lumalabas pag walang pasok sa school, punta sa mall, nood ng sine, laro sa timezone, kain sa labas at kung anu-ano pang pasyal. Talagang napakasayang pagmasdan ang dalawang magkasintahang ito.

Isang araw sa eskwelahan ay nag-usap sina Robert at Jane, “Masaya ako at naging girlfriend talaga kita Jane, parang di pa rin ako makapaniwala at sinagot mo ako”, sabi ni Robert.

“Talagang maswerte ka noh! Ewan ko ba, feeling ko ginayuma mo lang ako e…. Joke!!!” nakatawang tugon naman ni Jane. “Sa tingin ko naman kasi ay talagang nasa tamang panahon lang nangyari ang lahat.

Di naman siguro magiging tayo kung di naman pahihintulutan ni Lord diba?” dagdag pa ni Jane. Inakbayan siya ni Robert at sabay na lumakad na ang dalawa papunta sa kanilang klase.

Wala pang nakakaalam ng kanilang relasyon kundi ang kanilang mga bestfriends. Si Teddy at si Kaye. Si Teddy ay isang engineering student rin na madalas kasama ni Robert habang si Kaye naman ay kaklase na ni Jane simula nung high school pa lang sila.

Silang apat lang talaga ang may alam sa namamagitang relasyon nila Robert at Jane dahil hindi pa talaga pwedeng malaman ng magulang ni Jane na may boyfriend na ito. Noon pa lang ay sinasabihan na si Jane na pwede lang ito magkaroon ng kasintahan kapag nakatapos na sya ng pag-aaral at kapag nakakuha na sya ng trabaho.

Di naman masisi ni Jane ang kanyang magulang dahil alam nya na kagustuhan lamang ng mga ito ang magkaroon siya ng isang maayos at magandang buhay.

Ngunit di talaga madiktahan ang puso nyang nagmamahal. Medyo mabigat man sa loob ni Jane ang kanyang pagsuway sa bilin ng magulang pero naninindigan sya na kaya nyang patunayan sa kanila na kaya nyang maging matagumpay kahit sya ay may kareslasyon na.

Nung araw din na iyon bago matapos ang kanilang klase ay nakaramdam ng kakaiba si Jane. Bigla pala syang dinatnan at sumakit ng todo ang kanyang puson. Agad agad naman nya minessage si Robert, “Dear, sobrang sakit ng puson ko, nagkaroon ako bigla, nasan ka ba ngayon?”.

“Nasa klase pa ako dear pero patapos na rin. Bibili ako agad ng napkin tapos dadalhin ko sayo wait lang ha”. Pabalik na text ni Robert.

Pagtapos mismo ng klase ni Robert ay dali-dali syang pumunta sa isang convenience store at bumili ng gamit ni Jane na may kasamang pagkain at tubig. Pagbalik nya mismo sa school ay nakita na nyang namimilipit sa sakit si Jane. Hinawakan ni Robert si Jane sa kanyang kamay upang matulungang humupa ang nararamdaman nitong sakit.

“Hawak ka lang sa akin Dear! kaya mo bang maglakad papuntang CR?” tanong ni Robert.

“Hindi, teka ang sakit kasi talaga ng puson ko…” sagot ni Jane.

“Kapit ka sa leeg ko at papasanin kita.”  At pinasan ni Robert si Jane papuntang CR para makapag-ayos ng sarili. Paghatid niya rito ay nagtext na sya rin agad kay Kaye upang maalalayan ang girlfriend. Dumating naman agad si Kaye at inalalayan ang kaibigan.

Matapos nun ay nagdesisyon si Robert na pasanin ulit si Jane papuntang terminal ng jeep at sumakay na sila papunta sa bahay ni Jane upang ihatid ito. Pagdating nila sa may kanto malapit sa bahay nila Jane ay bumaba na silang dalawa ngunit di pa rin makakilos si Jane ng maayos.

“Ihahatid na kita sa inyo, di mo na kaya maglakad e,” sabi ni Robert.

“Naku wag na please… Please wag na baka makita ka pa ng parents ko. Magagalit yun pag nagkataon.” natatakot na sagot ni Jane.

“Hayaan mo na kaysa naman iwanan kita dito mag-isa. Okay lang yan, magpapakilala naman ako ng maayos at sasabihin ko na hinatid kita dahil di ka na makagalaw sa sakit.”

At pilit pinasan muli ni Robert si Jane para makauwi. Mabuti na lamang at dalawang kanto na lang ang layo nito at pababa naman ang kalsada.

Medyo hiningal na rin si Robert at nakaramdam na rin ng pagod. Ngunit di rin naman nagtagal ay nakarating na sila sa tapat ng bahay nila Jane. Unang beses lamang nakarating dun ni Robert at sobrang namangha ito sa laki ng kanilang bahay.

Nang maibaba na ni Robert si Jane ay nagpaalam na rin ito nang biglang bumukas ang pinto at lumabas ang nanay ni Jane.

Itutuloy….