Isang Traffic Enforcer na may kakaibang paraan sa pagmamando ng trapiko at sya namang kinaaaliwan ng mga tumatawid dito.

Trapik dito. Trapik doon. Sa dami ng mga sasakyan ngayon sa Pilipinas ay talagang di mo na malaman kung kelan at kung anung oras pa luluwag ang mga kalsada. Samahan mo pa ng mga pasaway na mga taong tumatawid ay siguradong mas titindi pa ang nararanasan nating pagsisikip ng kalsada. Laging sinasabi sa atin noon pa man na kung meron lamang tayong disiplina ay mas magiging maunlad ang ating buhay pati na rin ang ating bayan. Mula sa bahay, eskwelahan at pati na rin minsan sa lugar ng ating pinagtatrabahuhan ay nagbibigay paalala sa atin na tayo ay maging disiplinado at matutong magkunsidera sa kapakanan ng ating kapwa. Ganun din naman ang pwede nating maibahagi at magawa sa tuwing tayo ay gagamit ng kalsada. Maging tayo man ay may dalang sasakyan na ating minamaneho o di naman ay tumatawid lamang ay dapat tayong maging responsable at maalam sa batas trapiko.

Kilalanin natin ang isang mahusay at nakakatuwang traffic enforcer na ito, na syang naatasang magmando ng mga sasakyan at mga taong dumaraan sa napaka-busy na intersection dito sa Maynila. Siya ay si Alejandro Acebuche,na may posisyong J.O.3 (Job Order 3), 55-taong gulang at tubong Samar. Nang makausap ng The Trending Planet si Mang Alejandro ay naibahagi nya ang kanyang araw-araw na karanasan sa pagmando ng daloy ng trapiko dito sa Maynila. May tatlong kulay ang traffic lights, may pula kung saan dapat ay nakahinto ang mga tatawid, dilaw naman ay ang paalala na magdahan-dahan, at ang berde ay hudyat na pwede nang tumawid o dumaan. Kahit marami na sa atin ang nakakaalam nito, sabi nya ay lubhang marami rin ang mga sumusuway rito. Ang unang nakikita nyang dahilan ay ang kagustuhan ng lahat na maunang makalagpas upang makarating ng mabilis sa pupuntahan. Pero di nila alam na pwede silang madisgrasya o di naman kaya ay makaabala din sa iba. Sa intersection din na ito ay napakaraming tumatawid na pedestrians tulad ng mga estudyante, manggagawa at mga taong gusto lamang mamasyal sa katabing mall.

Sa pamamagitan ng kanyang microphone at speakers ay epektibo nyang nagagawa ang kanyang trabaho. Ni hindi na nya kelangan pang pumagitna sa intersection at ikumpas ang kanyang mga kamay, mapasunod lamang ang mga dumaraan dito.  Makikita sa video kung saan ay sinsisita nya ang mga taong gustong tumawid kahit na nakakulay berde ang traffic lights para sa mga sasakyan. Sa pamamagitan ng kanyang malakas na boses at mga salitang parang galing sa mga pangaral ng ating mga magulang ay makikita ang kanyang malasakit sa mga dumaraan dito. Sabi nya na mahalaga sa kanya ang kaligtasan ng mga tumatawid dahil gusto nyang makapasok sila sa kanilang eskwelahan at trabaho ng ligtas pati rin ay makauwi sa kanilang mga pamilya na walang pag-aalala.

Sa isang video naman ay makikitang sinita nya ang isang babae na tumawid kahit na merong dadaang ambulansya. Mapapansin nyo nalang na kayo ang pinagsasabihan kung ang mga tao sa paligid nyo ay napatingin na rin sa inyo. Maraming dumaraan dito ang napapangiti na lamang sa tuwing magsasalita na si Mang Alejandro. Buong araw man syang magsalita ay di sya nagsasawang magsita sa mga di nakakaalala sa tamang pagtawid sa kalsada. Sana ay marami pang traffic enforcers ang maging kagaya nya na buong pusong ginagampanan ang trabaho at may malasakit sa kapwa.

Saludo kami sayo Mang Alejandro!