Teacher na bumibyahe ng limang oras papuntang eskwelahan, sulit ang sakripisyo sa mga parangal na nakuha ng kanyang mga estudyante

Kilalanin natin si Teacher Curt. Si Teacher Curt ay nagtuturo ngayon sa Aplaya Elementary School sa Laguna. Siya rin ay kasapi ng Teach for the Philippines, Inc., isang Non Government Organization, na naglalayong magpadala ng mga pinakamagagaling at mahuhusay na mga guro sa mga lugar kung saan may mga pinakamahihirap na estudyante sa bansa. Siya rin ay nagtapos ng kolehiyo sa University of the Philippines, Diliman sa kursong Secondary Education.

Si Teacher Curt ay bumibyahe ng limang oras mula Quezon City hanggang Sta. Rosa Laguna upang magturo sa mga Grade 5 at Grade 6 na estudyante na nahihirapang magbasa. Bukod dun ay nagtuturo din sya ng radio broadcasting pati na rin story telling.  Sa dalawang taong pagtuturo nya rito ay natutunan na nyang makasanayan ang mahabang pagbibyahe dahil sa kanyang pagmamahal at dedikasyon sa pagtuturo.

Ang kanyang mga estudyante ay kakapanalo lamang sa isang international competition sa Malaysia at nag-uwi ng mga parangal. Ang tagumpay na kanyang natamo sa pagtuturo ay kanyang nagiging inspirasyon upang labanan ang mga pagsubok sa buhay. Makaraan lamang ay sumakabilang-buhay ang kanyang nakatatandang kapatid na babae sa sakit na cancer at di rin nagtagal ay natuklasan din na ang kanyang ina ay meron ding Stage 4 cancer. Ang kanyang nakababatang kapatid naman ay merong espesyal ding kundisyon. Ang mga ito ay ang naging motibasyon nya upang makayanan ang hirap sa pagbibyahe araw-araw at hindi indahin ang pagod para lamang makasama ang kanyang mga estudyante sa umaga at kanyang pamilya sa gabi.

Ang kanyang pamilya at mga estudyante ay lubos na nagpapasalamat sa kanyang pinaparamdam na pagmamahal sa kanila. Marami mang unos ang kanyang nararanasan at bigat ng sitwasyong kanyang nilalabanan ay nananatiling matatag at buong pusong ginagampanan pa rin nya ang kanyang tungkulin sa bayan sa pamamagitan ng pagtuturo at tungkulin bilang isang anak at kapatid sa kanyang pamilya. Sana ay marami pang maging katulad si Teacher Curt na kahit bago pa lamang sa propesyon ng pagtuturo ay malaki at marami na ang kanyang nagagawa upang maging inspirasyon sa mga kabataang Pilipino.

Credits: Curt Marvin Baquisal Cruz