Lalaking nakipagsiksikan sa Lrt, naipit ang daliri sa pintuan ng tren

Napakahirap na talaga ang sumakay sa mga pampublikong sasakyan ngayon. Papasok ka pa lang sa trabaho at sa eskwelahan ay amoy mandirigma ka na agad. Bukod pa dito ang peligro na kinakaharap ng mga mananakay dahil sa kawalang disiplina ng mga tsuper at ibang motorista. Nagiging problema na din madalas ang seguridad ng mga sumasakay ng mga jeep, bus, taxi at tren dahil sa kalumaan ng mga ito at sa di maayos na maintenance. Isabay pa natin ang sobrang haba ng pila o di naman kaya ang kumpulan ng mga tao na nag-uunahan sa pagsakay.

May matutunghayan tayong isang kwento at video ng mga mag-aaral na nakipagsiksikan, makasakay lamang sa punuang tren. Dala na rin ng pagod at kagustuhang makauwi ay nakisama na sila sa pakikipag-unahan sa pagpasok sa tren. Ngunit sa di inaasahang pangyayari ay naganap ang napakahapding karanasan sa isa nilang kasamahan. Pauwi ang mga estudyanteng ito mula sa kanilang eskwelahan at napagkasunduang sumakay ng tren sa Lrt Line-1 Central Station. Katatapos lamang ng kanilang exam noon kaya ramdam na rin ang pagod at kagustuhang makauwi. Pagdating nila sa platform ng istasyon ay marami na ring naghihintay na mga gustong makapasok sa susunod na daraang tren. At pagkaraan nga ng ilang minuto ay narinig na nila ang busina at tunog ng kanilang sasakyan.

Mahirap man ang kanilang sitwasyon ay nakuha pa rin nilang magtawanan at magbiruan upang mabawasan ang ramdam na hirap sa pagsakay. Dumating na nga ang tren at punuan na rin ito dahil sa dagsa na rin ang mga taong sumakay pauwi. Pagbukas palang ng pintuan nito ay nagsimula nang magtulakan ang mga pasahero papasok ng tren. Nakuha naman nilang makapasok ngunit sa di inaasahang pagkakataon ay nagkatulakan at napakapit ang isa nilang kasamahan sa may pinto at bigla itong naipit. Nakuha na lamang nyang matanggal ang kanyang daliri pagdating sa susunod na istasyon.

Credits: Ian Gutierrez Facebook